Tatlong Piso para sa Limang Minuto

Nakatitig ako sa sala-salabid na kable ng kuryenteng tanaw mula sa bintana ng opisina kong nasa ikatlong palapag ng building habang nagkakape para mainitan ang sikmurang kanina pa nilalamig dahil sa maghapong pagkakaupo sa loob ng airconditioned na opisina. Iniisip kung saan ba nagmula ang mga kableng ‘to at kung saan ba ito nagtatapos.

Nilingon ko ang pinanggalingan ng malakas na lagabog. Si Jinky na naman. Palagi siyang nadadapa dahil sa linya ng teleponong nakabuyangyang sa gilid ng kaniyang mesa na hindi niya kailanman ginawan ng paraan.

Buti pa itong telepono. Nung mahulog merong sumalo, sa’kin wala, natatawang sabi ni Jinky habang hinahaplos ang nasaktang tuhod at kinukuha kay Gerard ang tumalsik niyang telepono.

Hirap kasi sa inyong mga babae, hilig niyo ma-fall kahit alam niyong wala namang sasalo, sagot naman ni Gerard. Nagtawanan silang lahat.

Buti pa si ma’am eh, sabi ni Arnel, sabay tingin sa akin. Never siyang na-fall. Di ba ma’am?

Biglang tumahimik ang lahat. Binasag lang ni Jinky ang katahimikan ng sagutin niya si Arnel ng, ikaw diyan ang ma-fa-fall sa silya mo kapag tinadyakan ka ni ma’am dahil sa mga pinagsasabi mo.

Hindi ko maiwasang matawa sa kalokohan ng mga batang ito pero hindi ko rin naman maiwasang pag-isipan ang mga pinagsasasabi nila, minsan.

Turuan kita magbisaya, sabi niya.

Sige nga, sige nga, sabi ko sabay tawa.

Gihigugma tika, sabi niya.

Tumawa ako ng malakas at kako, sinong niloko mo? Alam ko na ‘yan.

Tumawa rin siya. Matapos ay tumahimik ng ilang sandali. Walang nagsasalita, nagpapakiramdaman lang.  Maya-maya pa ay nakarinig na kami ng tatlong magkakasunod na ‘toot’ na nangangahulugang paubos na ang limang minutong binayaran niya ng tatlong piso sa payphone.

Sige na, sabi niya. Good night na. Hindi na naman ako makakatulog agad. Ang bilis pa ng tibok ng puso ko dahil nakausap na naman kita.

Good night na, sagot ko. Bye.

Si Marvin ang kauna-unahang nanligaw sa akin. Hindi kasi ako ligawin at di rin naman kasi ako kagandahan. Isa pa, sa amin, parang nakakailang daw ligawan yung mga tinuturing nilang nasa middle class. Hindi kami mayaman, binubuhay lang kami ni erpats sa talyer niya. Pero sa lugar namin, isa ako sa iilang nakapagtapos ng high school sa pribadong paaralan. Isa ako noon sa iilang makakapagkolehiyo sa Maynila. Kaya para sa karamihan sa amin, parte ako ng middle class, na hindi madaling abutin.

Tauhan ni erpats sa talyer si Marvin at nagsimula kaming mag-usap at magbiruan nung summer ng 1998. Kakatapos ko lang ng high school, atat na magkolehiyo. Dahil nasa bahay lang naman ako palagi ay inuutusan ako ni erpats na maghain ng meryenda nila ng mga boy niya sa talyer.

Halos magkasing edad lang kami ni Marvin pero imbes na  mag-aral pa ay nagbanat na siya ng buto. Taga GenSan talaga siya. Kasama niyang lumuwas ng Maynila ang kuya niya para hanapin ang kanilang kapalaran pero sa di malamang kadahilanan ay dito sila napadpad sa amin.

Hindi pa uso noon ang cellphone kaya sa telepono kami laging nag-uusap.  Kapag nag ring na ang telepono namin sa bahay ng bandang alas nuwebe ng gabi, alam na ng lahat kung sino yun. Wala ng iba sa kanilang sasagot dahil alam na nilang para sa akin ang tawag.

Walang telepono sa inuupahang bahay nila Marvin. Nagpapaalam siya sa kuya niya na magpapahangin lang at magsosoftdrinks sa labas pero imbes magsoftdrinks ay pupunta siya sa phonebooth para tumawag sa akin. Tatlong piso kada limang minutong tawag. Tatlong piso para magkaroon kami ng pagkakataong makapagusap. Takot siyang kausapin ako sa harap ni erpats, malamang di ba? Mula nga nung malaman ni erpats na siya pala yung tumatawag kapag bandang alas nuwebe na ng gabi ay hindi na niya ako kailanman inutusan pang maghain ng meryenda.

Masaya ako kapag kausap ko si Marvin at gaya niya, bumibilis din ang tibok ng puso ko. Gaya niya, hindi rin ako agad nakakatulog matapos naming makapag-usap kahit pa limang minuto lang iyon.

Nararamdaman ko ang init ng pisngi at tainga ko kapag sinasabihan niyang gustong-gusto niyang marinig ang boses ko, lalo pa ‘pag sinasabi niyang gustong-gusto niya ako.

May ilang beses din na parang nawindang ako ng banggitin niya ang mga katagang mahal kita dahil hindi ko alam ang isasagot. Kaya kailanman ay hindi ko ito nasagot. Isa pa, sa pagkakaalam ko ay hindi naman ito tanong.

Hindi ko pa masyadong naiintindihan ang nararamdaman ko noon. Sabi nga ni ermats, baka excited ka lang dahil ngayon ka lang naligawan.

Hiniling ni Marvin na magkita naman kami bago magsimula ang pasukan dahil baka daw maging sobrang abala na ako. Pinayagan naman ako pero kinailangan kong isama ang pinsan ko at isang oras lang ang taning ko.

Nagtungo kami sa playground, may mga swing pero wala ng mga bata dahil alas syete na ng gabi. Do’n kami naupo. Maliwanag no’n ang bilog na buwan na siya lang naming tinitigan.

Wala kaming masyadong napag-usapan. Parehas kaming nangimi. Parang mas marami kaming napag-uusapan sa loob ng limang minuto sa telepono kaysa sa isang oras naming paghaharap.

Sa palima-limang minuto naming pag-uusap ay naikwento niya ang kaniyang mga pangarap. Makapag-asawa at magkaroon ng ilang anak. Magkaroon ng maliit na talyer tulad ng kay erpats para buhayin ang kaniyang pamilya. Mabuhay ng tahimik at masaya.

Sa palima-limang minuto ay naikwento niya ang naging buhay niya, ang mga gusto niya, ang laman ng puso at isip niya.

Sa palima-limang minuto ay nasabi niya kung ano ang mga katangiang hinahanap niya sa babaeng nais niyang makatuluyan at kung paanong nakita niya daw sa akin ang lahat ng mga iyon.

Simple at masayahin, yun lang naman ang importante sa akin, wika niya.

Sa palima-limang minuto nabuo ang masasayang alaala ko nung summer ng 1998.

Nagsimula na ang pasukan at madalas ay gabi na ako nakakauwi galing Maynila. Mas pinili ko kasing mag-uwian kaysa magdorm. Dumalang lalo ang dati nang paminsanang pagkikita sa talyer gayun din ang aming pag-uusap sa telepono. Tuwing Biyernes at Sabado na lang siya tumatawag. Masyado akong naging abala at madalas humahanap pa ng mas pagkakaabalahan.

Hindi nagtagal ay tuwing Sabado na lang siya tumatawag hanggang sa kalauna’y hindi na siya tumawag pa.

Nauso ang cellphone at ang unli text. Nakuha niya ang number ko at muling nabuhay sa akin ang kung hindi ko man matawag na ‘pagibig,’ ay ‘excitement.’ Text ni Marvin ang una kong nakikita sa umaga at siyang nakakatulugan sa gabi na madalas ay may ‘ga’ sa bawat unahan o dulo.

Madalas na tanong niya’y ga, kumain ka na ba? Madalas ang sagot ko naman ay oo, kanina pa at madalas siyang nagsasabing ingat ka sa pag-uwi ga, na madalas ko namang sinasagot ng ikaw din tc. Kinalauna’y ang kaniyang matamis na pagsuyo ay nagbunga ng aking pagkaumay.

Unti-unti ay namatay na naman ang aking kung hindi man matawag na ‘pagibig,’ ay ‘excitement.’ Madalang ko na sagutin ang mga text niya dahil mas naging excited ako sa buhay sa Maynila. Buhay Maynila na unti-unting lumamon sa akin.

Sa Maynila hindi na ako middle class. Isa lang ako sa libo-libong nakikipagsapalaran. Nag-aral, nagtapos, nagtrabaho. Nanggamit at nagpagamit sa mga tao at kumpanya, sa alak at pagibig. Sa pagkakataong ito’y madali na akong abutin, pero ang mga pangarap ko naman ang hindi.

Sinarado na namin ang talyer para maipahinga naman ni erpat ang katawang hindi na kayang magbuhat pa ng mabibigat kaya’t lalong lumiit ang dati nang makitid na tsansa na magkita kami ni Marvin. Wala na akong nabalitaan pa sa kaniya. Di ko alam kung nakahanap siya ulit ng trabaho o kung saan man siya napadpad. Hindi siya nagparamdam. Hindi ko rin naman siya hinanap.

Ilang buwan ang nakalipas ng makatanggap ako ng text mula sa kaniya na ‘ga’ lang ang laman. Kasabay ng pagdating ng text na iyon ang pagdagsa ng sandamakmak na deadline sa trabaho. Oras, araw at taon ang lumipas ay hindi ko na siya nareplyan pa.

Nauso na ang fb at dumami ang ‘friends’ ko rito, kakilala ko man o hindi. Hindi ko alam kung bakit pero sinubukan kong hanapin siya sa fb, marami siyang kapangalan pero tiyak kong hindi siya ang kahit isa sa mga iyon. Hinanap ko ang pangalan ng kuya niya sa pag-aakalang matutunton ko siya sa pamamagitan nito pero hindi ko talaga sila natagpuan.

Inisip kong itext siya pero di ko alam kung ano ang sasabihin. Kumusta ba?

Tinext ko siya pero hindi siya nagreply. Tinawagan ko ang numero niya pero hindi na ito makontak pa.

Tinanong ko ang sarili ko kung bakit ko ba siya hinahanap. Kung minahal ko din ba siya o naging excited lang talaga ako noon. At kung excited lang pala ako, ano ba ang hindi ko sa kanya minahal, siya ba o ang estado niya sa buhay o ang mga pangarap niyang parang sobrang simple sa naging komplikado kong pag-iisip? Pag itong mga ito na ang tumatakbo sa isipan ko ay humahanap na ako ng mapagkakaabalahan. Hindi dahil ayaw kong hanapin ang mga sagot sa mga tanong ko kundi ayaw kong aminin sa sarili ko  na matagal ko ng natagpuan ang mga sagot sa mga paulit-ulit kong itinatanong.

Ilang taon pa ang nakalipas ay nakatanggap ako ng text. Hindi naka-save sa cellphone ko ang numero. Akala ko’y scam na naman ng pasa load.

‘Ga’ lang ang laman ng text. Muling nabuhay ang namatay, na kung hindi man matawag na ‘pagibig,’ ay ‘excitement.’

Nagkumustahan kami at nalaman kong bumalik na sya sa GenSan dahil hindi na siya pinalad pang makakuha ng ibang mapapasukan matapos naming isara ang talyer. Doon na lang siya nagtayo ng maliit na talyer sa kanila. Masaya ako’t natupad kahit papaano ang isa sa kaniyang mga pangarap.

Natapos ang gabing iyon ng hindi ko namalayan. Nakatulugan ko ang huling text niya na nabasa ko na lang kinaumagahan ‘ang layo na ng narating mo.’ Binasa ko ulit ang thread para maalala ng natutulog ko pang utak kung ano ba ang napag-usapan namin.

Tinext ko siya. Ilang oras na ang nakalipas ay di pa rin sumasagot kaya tinawagan ko na siya.  Sumagot naman siya at sinabing abala siya dahil maraming ginagawa sa talyer. Magtetext na lang daw siya kinagabihan pagtapos ng trabaho. Oo nga naman. Bakit ko nga ba naisip na pwede ko siyang tawagan na lang basta -basta kung kailan ko gusto. May sarili siyang buhay at pinagkakaabalahan. Parang ako noon. Nagkaroon ng sariling buhay at ng napakaraming pinagkakaabalahan.

Nagtext nga siya at tinawagan ko naman. Masaya akong marinig muli ang boses niya . Nagbalik ang mga alaala ng mga gabing limitado lang kami sa palima-limang minuto na dala ng kanyang tatlong piso, mga gabing hindi ako agad nakakatulog dahil sa bilis ng tibok ng puso ko pag sinasabi niyang gustong-gusto niya ako, at ilang mga  pagkakataong nabanggit niyang mahal niya ako na hindi ko kailanman nasagot dahil hindi naman ito tanong.

Wala ka na bang balak bumalik dito? Naitanong ko minsan.

Bakit gusto mo ba? Tanong ang sagot niya sa tanong ko.

Natigilan ako. Tumawa siya.

Mahirap maghanap ng trabaho diyan ga, di na ko bata. Di naman ako tulad mong nakapagtapos.

Halos gabi-gabi na kaming nag-uusap. Ngayon, ako naman ang tumatawag. At ngayon ay hindi na palima-limang minuto lang. Tinatawagan ko siya ng mga bandang alas nuwebe ng gabi para tapos na ang trabaho niya’t nakapaghapunan na siya. Matagal kaming nagbababad sa telepono kahit wala kaming masyadong mapag-usapan. Hindi naman siya nagkukwento tungkol sa mga makinang kanyang ginagawa at hindi rin naman ako nagkukwento tungkol sa mga sakit ng ulo ko sa opisina.

Kung ano-ano lang ang napagkukwentuhan kahit yung iba ay walang katuturan. Ninanamnam lang namin ang kapanatagang dala ng ilang oras na pakikinig sa boses ng isa’t isa, ang presensyang ramdam sa magkabilang dulo ng linya at ang pamilyar na pakiramdam na sa isa’t isa lang natatagpuan.

Madalas kong inaantay na sabihin niya ulit ang noo’y palagi niyang isinisingit sa palima-limang minuto naming pag-uusap. Ang mga katagang gustong-gusto kita at mahal kita. Pero sa oras-oras at araw-araw naming pag-uusap, ay hindi ko na ito narinig pa.

Sa gabi-gabing pag-uusap ay hindi kailanman nagkaungkatan ng tungkol sa pagibig. Kasalukuyan man o nakaraan.

Huling text na natanggap ko mula sa kaniya ay ‘malakas ‘tong bagyo, lilikas kami. Ingat ka diyan ga.’ At mula noon ay hindi na kami nagkausap pa. Text man o tawag. Ilang beses ko pa siyang sinubukang tawagan pero hindi ko na siya nakontak pa.

Tuwing naiinis ako noon kapag panay ang pagtetext niya sa akin ay palagi kong natatanong sa sarili kung bakit ba niya ako kinukulit at kung bakit ba hindi na lang siya maghanap ng ibang kukulitin? Inaantay niya ba ako gayong wala naman akong kahit anong ipinangako?

Pero ngayong hindi ko na siya mahagilap pa ay tinatanong ko naman ang sarili ko kung bakit ako patuloy na nag-aantay gayong wala naman siyang sa akin ay ipinangako.

Sa ilang taon kong pagtatrabaho dito at pamamalagi sa opisina ay tila walang humpay ang pagdami ng sala-salabid na kable ng kuryente. Parang taon-taon ay nadaragdagan pa ito. Dumadami ang mga linyang pinagmumulan ng mga palaisipan ko sa tuwing ako’y nagkakape dahil nilalamig ang sikmura ko. Mga linyang hindi ko alam kung saan nagmula at hindi ko rin alam kung saan nagtatapos.

At sa ilang taon ko dito sa opisina ay patuloy ko pa ring naririnig ang paminsanang lagabog ng tuhod ni Jinky na tumatama sa sahig tuwing nadadapa siya dahil sa nakabuyangyang na kable ng telepono sa gilid ng kaniyang mesa na kailanman ay hindi niya talaga nagawan ng paraan.

 

***

Fiction to ha…hehehe

***

Madalas akong epic fail sa mga lovestories pero sumusubok pa rin ako kahit palaging may sablay sa istorya. Habang sinusulat ko to ay naiisip kong isa itong indi film na ginaganapan ni Alessandra de Rossi at Sid Lucero. Lol. Ikr. Ambisyosa lang hahaha

24 responses to “Tatlong Piso para sa Limang Minuto”

  1. nice. galing na dala ako.. haha

    Liked by 1 person

    1. Ui binasa mo talaga kahit mahaba? Yehey. Salamat haha

      Liked by 1 person

      1. hahaha.. oo naman.. akala ko nga based on real life. 🙂

        Like

        1. Wahahahahahahaha. Konti lang. Joke. Konti lang ang totoo hahaha

          Liked by 1 person

          1. inspired by real life experience haha

            Liked by 1 person

          2. Konti lang talaga hahaha…baka ikaw dyan nakakarelate ha uiiiiiii

            Liked by 1 person

          3. slight.. hahaha..

            Liked by 1 person

          4. Yun eh. Bwahahahha

            Like

      2. Ang gandaaaa lang talagaaaaaa!!

        Like

  2. nakakainis!! Gusto ko mag back read sa mga post mo! Natambakan na ko! 😀

    Liked by 1 person

    1. Hhahahah later na lang pag may time ka no…makikipag umbagan pa tayo eh hahahaha 😂😂😂

      Liked by 1 person

      1. wahahaha! tapos na kaya yung suntukan sa ace hardware! LOL

        Liked by 1 person

        1. Bwahhahahaha angdami daw umattend don hahahahahah

          Like

  3. Nabasa ko na!!! May disclaimer. Haha! Naimagine ko ikaw yung nagkakape. Hahaha

    Liked by 1 person

    1. Ha ha ha…hindi ako yan lol…aba nag back read talaga

      Like

  4. awts! bakit ngayon ko lang nakita tong post na to? at mejo napeke mo’ko kala ko true story haha. halfway through reading I was thinking na para nga akong nanunuod ng isang pelikula sa imagination ko. Ang galing toll. Ang pamagat ng movie eh “Kable” ok?

    Liked by 1 person

    1. Bwahahahaha….nakakapeke ba? 😂😂😂 ang original title nito sana ay linya…which is linya sana ng telepono at kung ano ano pa…pero pwede ding kable hahahahaha mas tunog teknikal bwahahahHha

      Like

      1. Sobrang kakabagbag damdamin naman nito, kala ko eh ito yung love story nyo ng husband mo tapos nung bandang huli eh di pala yung ending na inaasahan ko. wawa naman yung guy 😥

        Liked by 1 person

        1. Sa susunod nga….sa umpisa ko na ilalagay yung pasintabi kung fictio ba yung post hahahaha para walang malinlang….

          nakakalinlang dahil first person ang nagsasalita no? Di ko kasi kaya ang 3rd person narration at nalilito ako….

          Sorry naman sa makabagbag damdaming story hahahaha

          Like

          1. haha. ok lang yun, ok lang naman na paglaruan ang feelings ng mga readers wala sila/kaming magagawa. also, para may thrill 🙂

            Liked by 1 person

          2. Hahaha…ganito ata kasi ako magsulat ng lovestory…laging masakit…di ko carry ang romcom lol

            Like

  5. hi. kakapakinig ko lng nito sa Tambalan ng Love Radio.
    Sana may karugtong ang istoryang ito. yung happy ending sana.
    kahit gaano ko sya balik balikan basahin, at pakinggan, naiiyak pa din talaga ako hehehe.

    Liked by 1 person

    1. Ha? Narinig mo to sa Love Radio?

      Like

I’d love to hear from you!

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.