Sa Loob ng Iisang Bubong : OFW Stories New Year Edition

Kauuwi ko lang ng apartment. December 31 pero parang wala lang. Kung sa Pinas ay abala ang lahat sa pamimili at pagluluto ng ihahanda, ako, maghapong nasa beach at nagbibilad. Nagfefeeling na nasa Hawaii o kaya sa Costa del Sol.

May trabaho ang asawa ko mamaya dahil fully booked ang restaurant nila for New Year’s Eve at ako, makiki-celebrate na lang ng NY sa bahay ng mga kaibigan ko. Oorder na lang kami ng KFC Bucket Meal.

Masaya ako dahil tapos na ang mga araw na inaabot ako ng alas tres ng madaling araw sa hotel kakakayod pag bagong taon kaya ngayon may panahon akong maglagalag sa Bagong Taon at eto nga kauuwi ko lang galing sa beach.

Pagbukas ko pa lang ng main door ay naririnig ko na ang malakas na boses ni Ate C. Sya ang malanding jutanders na pinaka ayaw naming kasama sa apartment. Kung hindi lang nangangailangan yung land lady namin ng isa pang taong sasalo sa upa namin na ubod ng mahal na good payer ay matagal na nya yang pinaalis.

Napakaarte ni Ate C. Ayaw nyang bukas ang mga ilaw at minsan 6pm pa lang ay patay na ang ilaw nya dahil may astigmatism daw sya at nasisilaw sya. Kapag tulog sya ay wala dapat kaluskos dahil mababaw ang tulog nya pero kapag biyernes na walang pasok ang lahat ng tenants, alas syete pa lang ng umaga ay maingay na syang nakikipag usap sa telepono o kaya ay alas singko pa lang ng umaga ay may bisita na sya at nagkukuwentuhan na sila.

Ayaw ni Ate C na madumi sa bahay pero yung nag-iisang banyong ginagamit sa buong bahay ay ni minsan ay di nya nagawang buhusan man lang ng Clorox kahit nanggigitata na yung sahig sa dumi, sa loob ng halos isang taong pagtira nya dito.

Wirdo din si Ate C. Meron syang friend na nakikituloy sa amin every weekend. Macho papa si friend. Macho as in malaki ang katawan. Lalake si friend kaya nga nagtataka kami kung paano nya pinapatulog si friend sa kwarto nya every weekend. Napaka friendly naman pala ni Ate C kung ganon. Pero yan ang bagay na takot kami lahat itanong sa kanya. Di namin sya maintindihan kasi minsan naririnig namin sya sa telepono na nagsasabi sa kausap nya “Hmmm, ako nga single pa din eh.”

Sa loob ng halos isang taon na nakasama namin sya sa bahay, iilang beses ko lang ata sya nakausap para sabihan ng Hi o Hello. Minsan kahit nakakasalubong ko sya ay di ko sya tinatanguan man lang. Ayaw ko kasi sa kanya at di naman ako plastik eh para makipag ngitian kung ayaw ko naman dun sa tao.

Gusto ko sanang matulog dahil pagod ako sa maghapong pagbibilad sa beach para may lakas at enerhiya mamayang gabi pero ang ingay ni Ate C. Yung totoo gusto ko na syang katukin dahil sa ingay nya pero di ko nagawa nung marinig ko kung ano ba ang ikinaiingay nya.

Ang dami nyang tinatawagan. Lahat na yata ng tao sa phonebook nya ay tinatawagan nya. Feeling ko sa Pinas sya tumatawag kasi minsan biglang napuputol yung tawag. Ganun naman talaga ilang oras bago mag Bagong Taon. Di ka na makakatawag sa Pinas. Kaya nga ako, tumatawag pag tapos na ang kasagsagan ng tawagan para maka pasok ang tawag ko.

Minsan ni la-loud speaker nya dahil paulit ulit na syang tumatawag at paulit ulit din na busy tone lang. Minsan naman kapag nakakatsamba sya ng tawag ay sandali nya pa lang nakakausap, mariringgan ko na sya ng “Huy Happy New Year, anong handa nyo?” sabay “Ay sige na nga mamaya na lang busy ata kayo. Happy New year ha?” Tapos tatawag na naman sya sa ibang tao at ganun na naman. Nagmamadaling babaan sya ng telepono palibhasa busy sila sa pagsasaya sa Pilipinas. Naiintindihan naman ng mga OFW na tulad namin na busy na kayo dyan pag pa-hating gabi na ng a trenta’y uno. Pero yung madaliin nyong babaan ng telepono yung taong nasa kabilang ibayo pa na nag effort na makausap kayo at i greet kayo ay kinaainisan ko.

Naawa ako bigla kay Ate C. Narinig ko kasi na ang saya saya ng boses nya pag nakakakonekta sya sa tinatawagan nya tapos biglang mapuputol yung linya at maiinis sya o kaya ay mamadaliin na syang babaan ng telepono. Hindi ko alam kung nasaan si friend ngayong bagong taon at kung saan mag cecelebrate si Ate C mamaya.

Ako, sanay na sa ganitong uri ng selebrasyon ng bagong taon, yung tipong kung hindi nagtatrabaho ay pagala gala lang kung saan-saan pero hindi ko alam kung paano ang mga tulad ni Ate C na mag-isa lang, nakakapag-saya.

Kahit pa naiinis ako sa kanya sana maging Happy ang New Year nya kahit hindi ko yan sasabihin sa kanya, ha ha.

Sa inyong lahat peeps, Happy New Year at masayang blogging sa 2015! 🙂

10 responses to “Sa Loob ng Iisang Bubong : OFW Stories New Year Edition”

  1. You actually have a nasty domineering low class housemate.

    Like

    1. ha ha ha…Hi Ren, hope you’re enjoying your holidays. Well, what can I say…life’s like this…sometimes we just don’t have a choice….

      Like

  2. Hindi ko alam kung maiinis o maaawa din ako kay Ate C. Hehe. Happy new year sa iyo at sa mga roommate mo, Aysa! 🙂

    Like

    1. haaay nako…nakakainis na nakakaawa….he he…Happy New Year din sa inyo 🙂

      Like

  3. may asawa ka na pala 😀

    Liked by 1 person

    1. ha ha ha..oo meron na

      Like

      1. parang bata ka pa kasi sa pic o matagal na yan as in decades ago loljk

        Like

        1. hoy grabe naman. last year lang yan ha ha ha ha

          Like

  4. Ngayon ko lang nabasa.. di naman halatang nag backread ako. Sana hindi mo isiping weird yun. Haha. Nakakatuwa yung kwento mo. Ang light lang at parang kakwentuhan ko yung kaibigan ko. Kasama mo pa rin kaya si Ate C? 🙂

    Liked by 1 person

    1. Hahaha…salamat talaga sa pagbabasa ha….hindi…hindi ka weird….

      Si Ate C inevict na namin sa bahay at umalis na din ako sa bahay na yon hehehe

      Like

I’d love to hear from you!

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.