Taong 2006 nung ako ay nakatungtong sa entabladong minimithing matapakan ng bawat estudyanteng nagnanais ng magandang kinabukasan. Simula na ito ng panibagong lakbayin ng buhay. At para sa napakaraming tulad ko na kakatapos lamang ng kolehiyo noong panahong iyon, kanya kanyang sikap naman na makahanap ng disenteng trabaho.
Naalala ko ang mga panahong wala kaming magawa sa klase habang wala pang propesor, tinanong ako ng kaklase ko na itago natin sa pangalang “D” ng ganito – ” Nag aaral ba tayo para maging waitress lang pag katapos?” Ako nga ay napaisip dahil sa sinabi ni D. Andaming tanong na sumagi sa isip ko noon at naisip ko ang lahat ng hirap ko kung mauuwi lang ako sa pagiging waitress. Bachelor in Hotel and Restaurant Management ang kursong aking kinuha sa aking Sintang Paaralan. At naisip ko nga na, bakit nga ba ako kumuha ng gantong kurso? Ano ba ang unang trabahong makukuha ko pag natapos ko ito? Bakit ko kelangang mag aral ng apat na taon para maging waitress lang pagkatapos? Samantalang yung ibang hindi naman din nakatapos ay nakakakuha din ng ganong trabaho?
Balikan natin ang panahon na kung saan ay ako ay nasa 4th year high school pa lamang at nag hahanap ng Unibersidad na mapapasukan at nag iisip kung anong kurso ang kukunin. Sa iisang unibersidad lang ako kumuha ng entrance exam. Iyon ay dahil doon ko lang gustong pumasok dahil sa baba ng tuition fee dahil kapos kami noong mga panahong iyon. Isa pa ay 150 pesos lang ang binayaran ko para makapag exam, oh mas mababa pa ata. Nalula ako sa presyo ng entrance exam fees sa ibang sikat na unibersidad, kaya hindi na lang din ako sumubok.
Sa pag puno ng application form, kelangan isulat ang unang tatlong kursong nais ng applicant kaya kelangan mag isip.
Unang una kong nilagay ang HRM (Hotel and Restaurant Management), sunod ang Business Management at huli naman ang MassComm. Kung maapansin nyo, lahat ng pinili ko ay yung halos walang Math sa curriculum, o kung meron man ay basic lang. Naisip ko noon na gagayahin ko ang tiyuhin ko kaya kukuha ako ng HRM. Sa isang cruise ship kasi sya nagtatrabaho at nakita ko kung gaano karangya ang pamumuhay na naibigay nya sa dalawa nyang anak. Hindi sya nakapagtapos ng kolehiyo pero mas malaki pa ang kinikita nya kesa sa mga ibang degree holder na kasing edad nya. At kung tutuusin, waiter lang sya, pero napakaganda ng buhay nila. Kaya lalong nabuo ang desisyon ko na kunin ang kursong iyon. Pursigido akong magtrabaho din sa cruise ship pagtapos kong mag-aral.
Habang ako ay nag aaral, natutunan ko na malawak pala ang saklaw ng industriyang aking nais pasukin. Maari kang magtrabaho sa hotel, restorant, bar, fast food, events company, catering at pwede ka pa palang luminya sa airlines. Maari ka ding magturo kung iyong nanaiisin. Pero habang malapit na ako sa pagtatapos, at nang ako ay nakaranas na ng mga practical trainings sa hotel at restaurant, naisip kong hindi ko alam kung saan ako pwede. At lagi akong bumabagsak sa sagot na “mag aapply akong waitress pag na tapos ako. Dun muna ako magsisimula.” Nauumpisahan na din akong tanungin ng mga kaibigan ng aking ina, na saan ko nga daw balak mag apply ng trabaho pagkagraduate ko at anong trabaho ang gusto ko. Sinasabi ko palagi na mag aaply ako agad sa barko kahit hindi ko naman alam kung paano at kung makakapagbarko nga ba talaga ako. Alam kong pag sinabi kong magiging waitress ako pagka graduate ko, baka naman matawa sila at sabihing “nag-aral ka pa?” Kasi naman, tulad ng mga anak nila na magiging inhinyero, accountant o nars pagkagraduate, eh hindi ko talaga sasabihin na magiging waitress ako. Hindi naman nila maiinitindihan pag sinabi ko kung bakit ganun ang gusto ko. Sinasabi ko na lang sa aking ina noon na, “hayaan mo na, pag nakapagbarko na ako, lalampasuhin ko ang sweldo ng lahat ng mga inhinyero at accountant na yan, kahit gaano pa sila kagaling sa math.” (Yun ang fighting spirit!)
Nagkaroon kami ng pag uusap ni D at pag uunawa sa naitanong nya. Sabi nya ” Bakit parang lahat ng trabahong pwede natin applyan pagka graduate eh puro pagsisilbi naman sa ibang tao? Pag sa restorant tayo ano ba ang aapplyan naten? Waitress? Bartender? Chef? eh hindi naman din tayo magaling magluto (palagi lang kaming taga pamalengke at tagahugas ng pinggan tuwing may cooking class kami noon.) Kapag sa hotel naman, anu tayo? Chambermaid? Receptionist? Eh wala ba tayong mapapasukang trabaho na tayo ang pagsisilbihan? O kaya hindi ba tayo pwede pumasok sa opisina? ” May punto nga sya don. Para nga kaming nag aral maging mga serbidora. Sinabi ko na lang sa kanya na, ” Wala namang tao na pag ka graduate eh boss ka na agad, maliban na lang kung nag aral ka sa napakagandang unibersidad, o kung galing ka sa mayamang pamilya na nag aral ka lang para makakuha ng diploma at pag tapos eh ikaw na hahawak sa family business o company nyo.” Napakibit balikat nalang kami pareho dahil huli na ang lahat para magbago pa kami ng kurso at wala na rin naman kaming magagawa.
Hindi pa man kami nakakaakyat sa entablado, excited na kami maghanap ng trabaho. Mayo pa ang graduation pero Marso pa lang ay nag aaply na kami. Hindi pala ganun kadali. Tinawagan ako para interbyuhin sa isang kaswal na restaurant sa isa sa mga malls na nasa area na pang mayaman at hindi ako nakapasa sa interbyu. Sabi ko ok lang. Isang beses pa lang naman yan. Tinawagan ulet ako para interbyuhin sa pinakasikat na kapehan sa bansa. Sobrang excited ko. Kasi bihirang bihira ang nakakapasa doon ayon sa aking mga kaklase, at ilang beses na silang nag apply don pero ni hindi sila natawagan. Pag punta ko sa opisina nila, group interbyu pala. Nanlata ako. Lahat ng kasabay ko ay mga galing sa mga sikat na unibersidad. Yumuko ako at tiningnan ang suot kong damit. Pinagmasdan ko sila at pinakinggan ang kanilang pinag uusapan. Biglang nawala lahat ng “self-confidence” na baon ko. Tahimik lang ako habang inaantay namin ang mag-iinterbyu samen. Dumating sya at naging masaya naman ang group interbyu na iyon. Nung matapos ang interbyu na yon, naisip ko na sila man na nag aral sa mga mamahaling unibersidad eh kasabay ko ding nag aapply para maging barista. Kaya nabuhay ang aking loob. Natuwa din ako at makalipas ang ilang araw ay tinawagan ako para sabihing nakapasa ako at mag aantay na lang ng bagong pwesto na bubuksan ang kapehang iyon na kung saan ako ay madedestino.
Sa pag aantay ko ay nakasubok din akong mag apply sa ibang mga kumpanya. My kaklase akong nagsabi na, mag apply ako sa isang ahensya na nag papadala ng mga Pilipino sa ibang bansa. Walang anu ano ay nag apply din ako, at nakapasa sa interbyu. At binigyan ng kontrata para maging waitress at ilang buwan pa ay nakalipad na ako patungo sa bansang sinasabi nilang “land of milk and honey” ika nga.
Ito ang una kong trabaho. Narating ko ang napakalayong disyerto na mag-isa, walang kakilala kundi ang mga kapwa ko empleyado, malayo sa kamag anak at lahat ng mga kaibigan. Nahirapan ako sa umpisa at nakita ko ang iba’t ibang sitwasyon ng ating mga kababayan sa lugar na iyon. Sinabi ko sa sarili ko, hindi ako mananatiling waitress at ipinapangako kong hindi ako lalampas ng edad na tatlumpu na nagsisilbi pa rin. Nais kong magbunga ang lahat ng aking pinaghirapan noong ako ay nag aaral pa lamang. Nais kong patunayan na ang kursong kinuha ko ay hindi lamang para sa mga taong walang karunungan sa math. Nais kong patunayan higit sa lahat na ang pagiging waitress ay hindi basta basta. Hindi lahat ng tao ay kayang ngumiti kahit sobrang dami ng hinanakit mo sa buhay. Hindi lahat kayang manilbihan at makisama sa iba’t ibang uri ng tao. At higit sa lahat hindi lahat may karakter na kaaya aya para luminya sa propesyong ito.
Hindi nga ako nag aral para maging waitress lang. At hindi dapat nila-lang ang trabahong iyon. Isa iyong propesyon na ginagamitan ng abilidad at kaaya ayang karakter.
Hindi ako nag aral para maging waitress lang. Bagaman doon ako nag simula, umusad ang aking karera at umangat.
Hindi na ako isang waitress. Pero ikinararangal ko ang trabahong naging susi para mabuksan ang aking isip sa industriyang ito, nakapagturo sa akin ng napakaraming bagay at naging daan para marating ko ang lugar na kinalalagyan ko.
🙂
____
Maraming salamat po sa mga bumabasa ng isinulat ko patungkol sa mga kalimitang itinatanong tungkol sa HRM Course at para po sa mas marami pang impormasyon, pakidalaw po ang blog ko na naglalaman lamang ng mga post patungkol sa hospitality http://hotelierako.wordpress.com/. Salamat po ulit 🙂
I’d love to hear from you!