Responde


Alas syete kinse nung makasakay ako ng tren, hindi naman sikisikan pero walang bakanteng upuan. Nilabas ko ang librong nasa bag. Responde. Nakatayo ako sa tren habang nagbabasa at nagbabalanse na parang nasa gitna ng tsubibo, parang pumepreno rin and mga paa kasabay ng pagtigil ng tren sa bawat istasyon para di matumba sa mga ungas na lalaking nagtutulug-tulugan at walang pakialam kung ang nakatayo sa tren ay babae, buntis o matanda, basta sila nakaupo.

Maliit yung libro, napakanipis kung ikukumpara sa iba, halos kasing nipis lang ng mga Precious Hearts pero punong puno ng angas, pangarap, kirot at galit.

Marami akong nakikita sa aking peripheral vision na sumisilip sa cover ng libro o kaya sa summary sa likod. Baka nais nilang malaman kung bakit hindi 50 shades and binabasa ko.

Responde by Norman Wilwayco

Responde by Norman Wilwayco

Manipis lang yung libro pero di ko pa ito natatapos basahin, di ko kasi minamadali. Ninanamnam ko ang bawat mensahe, bawat linya na nababasa ko. Anong meron at anong wala. Andaming naglalaro sa aking utak. Mga ideyang inagiw na sa matagal na pagkakahimlay na muling nagising dahil sa mga nabasa ko.

Andaming ideya, naguumapaw sa utak ko. Di ko alam kung paano isusulat.

Handwritten


Dahil gaya gaya ako kay Odee sa kanyang handwritten hobby, sinubukan ko ding gumawa. Grabe nanginginig na ang aking mga kamay ha ha. Naalala ko tuloy noong hindi pa sobrang uso ang mga pagpiprint ng mga projects at nilelettering pa namin yung front page (halatang matanda na LOL), yung panahong ubusan ng sign pen at gel pen harhar.

Ang galing nakakatuwa.

Ayan naghanap ako ng random na pwedeng gayahin dahil wala akong maisip na isulat at nakuha ko ito sa lesbelles-choses.tumblr.com

find joy in the ordinary

Not bad para sa sumusubok muli har har (nag-aangat ng sariling bangko).

Syempre para magmukhang maganda, kelangan i-filter.

Panahon ng Balakubak


Nakakainis. Nakakairita. Napakakati. Kinakamot at sumisiksik sa ilalim ng kuko. Minsan nakakadiri na lalo kapag naglalaglagan sa balikat at kitang kita sa itim na damit. Minsan nasusugat, nagnanaknak ang anit na maghapong kinamot ng hindi pa napuputulang mga kuko. Mahapdi pag binasa, masakit pag nalagyan ng shampoo. Mapapangiwi habang dahan dahang hinahaplos ng kamay ang sugatang anit na dinadaluyan ng tubig habang binabanlawan para matanggal na ang bula.

Masyadong mainit ang tubig sa tag-init, pumapaso sa ating anit kaya ito’y naghihimagsik at ang mga balakubak ay parang mga surot at maliliit na ipis, kung kelan tag-init, don nagsisilabasan, kitang-kita, sobrang dami.
Masyado rin daw maalat ang tubig sa disyerto dahil mahal ang sariwa. Kaya nga marami ang numinipis ang buhok sa pagtagal ng panahon at dumadami pa din ang balakubak.

Nakakainis. Nakakairita.

Sa pagdating ng tag-lamig ay makakahinga na sana ng maluwag. Hindi na mainit ang tubig kaya’t inakalang mawawala na ng lubusan ang mga balakubak na ito pero isang malaking pagkakamali. Nandyan sila. Parang mga insektong nagtatago sa taglamig. Natutulog, nagpaparami para sa kanilang muling pag-atake sa tag-araw.

Patakan daw ng katas ng dayap o kaya naman daw ng pulut-pukyutan pero wala naman yatang epekto. Maasim man o matamis, ganun pa din. Kahit aloe vera ata ay wala pa ding silbi, kahit sariwa, kahit matabang.

Lahat na yata ng shampoo ay nasubukan na pati pang kabayo, pusa at aso, nagpapalit palit hanggang sa wala ng iba pang pwedeng subukan pa. Ngunit paano ba makakalaya sa mumunting salot na nakadikit sa ating bumbunan? Patuloy bang kakamutin o magpapakalbo na lang? Mawawala ba ito kapag nagpakalbo? Hindi! Hindi! Hindi! Kelangan talagang mapuksa ang puno’t dulo nito para hindi na manumbalik pa. Pero paano ba? Paano?!

Hangga’t hindi mo nasosolusyonan, nandyan lang sila. Nagsusumiksik, nakahihindik, nagpaparami, muling magbabalik.

***
Maligayang araw ng mga puso.

Restaurant Review (kuno) : Fortnum & Mason Dubai


Restaurant Review: The Aysabaw Way

Umiral ang pagkainggitera ko at sabi ko, gusto ko din gumawa ng mga restaurant reviews ng mga napupuntahan at nakakainan ko gaya ng mga ibang bloggers.

So sabi ko, game! Timer starts now!

Ilang araw na akong OTeynks at kagabi lang nagkaron ng pagkakataon mag-dinner out kasama ng aking mga peeps at pinuntahan na namin at matagal na naming inaasam puntahan, ang Fortnum & Mason Dubai, pero hindi for dinner but for coffee and tea lang.

Natuklasan ko ang Fortnum & Mason mula sa blog post ni Find Me A Break at sa isa pang blogger na si Lady and Her Sweet Escapes sabi ko ‘uy mukhang ok to ah, ganda nung resto.’ At matagal na naming gustong ma experience talaga ang British tradition na afternoon tea chuva ek ek kaso nga ito lang ang pagkakataon namin na makapunta don kaya kahit after dinner tea na lang ay ok na.

So ayun, excited kaming nagpunta dun kagabi. May tatlong palapag yung resto na ang ganda ng view lalo pa pag nasa 3rd floor ka dahil sentrong sentro ang pagkakaharap nito sa Burj Khalifa at sa Dubai Fountain, ang ganda lang talaga.

Yung ground floor nila ay isang Tea Shop. Pagpasok namin don may isang lalaking posturang postura, naka coat and tie pa na nakatayo lang doon (Pinoy ito). Inaantay namin na batiin nya kami o ngitian o i acknowledge na nakita nya kami tulad ng normal na pagtanggap sa mga customer na pumapasok sa isang resto pero tiningnan nya lang kami. Nagkunwari akong tumitingin ng mga tsaa na nakadisplay doon at dahil tinitingnan nya lang kami na para bang salesman sya na binabantayan yung mga paninda nya laban sa mga mandurukot o kaya para syang security sa museong pambata na binabantayan yung mga malilikot na bata at baka sila’y makabasag, hindi na nakatiis ang isa sa mga peeps ko na magtanong na ‘nasaan yung cafe nasa taas ba?

Saka lang sya sumagot na ‘opo nasa first floor po (tatlong palapag sila, Ground, First at Second Floor) pwede ho umakyat dyan sa hagdan

Nagbibiruan kaming umakyat sa hagdan na may red carpet pa at sabi sakin ng isang sa mga peeps ‘huy kelan nyo pa pina-renovate tong bahay nyo, ganda ng carpet ha‘ at nagtatawanan pa kami.

Pagdating namin sa First Floor ay may isang babaeng posturang postura din (Pinay ito) na naka black na blazer at skirt at may puting panloob na de-kwelyo at nakastockings at sapatos na itim. Todo make up din sa ate at propesyonal talaga tingnan. Dahil ako ang pinakauna sa follow-the-leader, ako agad ang binungaran nya ng ‘Hi, Afternoon Tea?

Di ako nakasagot agad kasi iniisip ko na alas otso pasado na ng gabi ay bakit nag-aalok pa sya ng “afternoon tea.”

Sinagot ko sya na “no we’d like to go for the a la carte menu” syempre iingleshin ko sya dahil ineenglish nya ako at nasa English Restaurant kami diba.

Ma’am we only have teas and coffees here and very few light menu” habang pinapakita nya sa akin yung menu “you can go upstairs if you want.

We would only like to have some coffee and tea, we don’t want to eat anything,” pero parang pinagtatabuyan kami ni ate talaga at sinabing

But we don’t serve the afternoon tea anymore and upstairs they have an ice cream and dessert counter. The elevator is over there,” sabay turo kung nasaan ang elevator.

Una, nagtataka ako dahil yung Kuya sa Ground floor ay pinaghagdan kami gayung may elevator naman pala.
Pangalawa, di ko alam kung bakit nya ako inalok ng afternoon tea pero gabi na, tapos bandang huli ay hindi naman pala nag-seserve ng afternoon tea dahil nga, hindi na afternoon.

Pero ayun, hindi pa rin kami nag-paapekto dahil excited kami sa ganda ng lugar. Pagdating namin sa second floor ay natuwa ako dahil pink ang mga couch at ang cu-cute ng mga platong porcelain na may gold lining at kung ano ano pang pink na bagay doon.

Sa loob ng ice cream counter ay may isang puti na bumati sa amin at ganun din may isa pang Pinoy na nagsabing ‘good evening po.

Ilang minuto na kaming nakaupo sa terrace at medyo nilalamig na pero mas malamig yung airconditioning nila sa loob kaya ayaw namin lumipat ng pwesto, ay wala pa ding lumalapit sa amin para mag-abot ng menu. Inakala namin na baka sa counter oorder pero dahil siguro nakita kami ni puti na palinga linga ay nilapitan kami at inabutan ng menu.

Umorder kami ng dalawang cafe mocha, isang cappuccino at isang Royal Blend English Tea. naks! Susyal na kami. Umeenglish tea na!

Ilang minuto pa ay sinerve na sa amin ang mga kape at tsaa at nakakatuwa ang mga kobyertos lalo na yung sa Royal Blend nila na medyo silver pa yung tea pot, may coffee art pa yung cafe mocha at may mini ice cream na kasama yung cappuccino. Inenjoy namin ang malamig pa na panahon ng Dubai habang nagkakape sa terrace ng Fortnum and Mason at nakatingin sa Burj Khalifa at Fountain. Oorder sana kami ng Eclair kaso isang piraso lang ay 40 dirhams na kaya sabi namin, wag na lang. Naalala naming may biniling isang kahong Krispy Kreme ang isa sa mga peeps kaso nahiya kaming kainin yun don ha ha. Joke time ba?

Hindi ako kumuha ng kahit anong litrato dahil pag Pinoy ang nagseselfie or kumukuha ng litrato ng pagkain ay pinagtitinginan at pinagtatawanan at parang isang mabigat na krimen na ang nagawa pero yung dalawang blonde sa tabi ng table namin ay cute tingnan kahit selfie ng selfie at walang nakikiaalam.

So wala kaming picture at inenjoy na lang ang experience na makapagkwentuhan ng tungkol sa mga bagay tulad ng exorcism, quantum phisycs, time-lapse at time travel, Ana Karenina na soap opera tuwing linggo nung 90s at Kadenang Bulaklak at si Ana Roces sa pelikula ay si Baby Abolencia na inampon ng mga Carbonell at feeling ko Ana Carbonel ang name nya don sa pelikula na walang ibang nakakaalala sa mga peeps kundi ako na nagmukha tuloy akong super tanda dahil don kahit magkakasing edad lang kami, habang ninanamnam ang masarap na kape at tsaa.

Malipas ang isang oras siguro ay nilalamig na kami talaga at kinuha na namin ang bill. 174 dirhams. Presyo na ito ng walong MCDo o Burger King Meals.

Umalis na kami at gumamit ng elevator hanggang sa ground floor at nandon pa din si Kuya Tuod. Nakatitig lang sya sa amin mula ulo hanggang paa hangang sa makalabas na kami ng museong pambata cafe.

Nairita ako ng husto.

Hindi man lang sya ngumiti o nagpasalamat o nagpaalam man lang. Nakatayo sya don na parang security guard.

So ano ba ang pinaglalaban kong talaga dito? Nasira kasi yung buong experience ko dahil kay Kuya Tuod. Naglilitanya ako dahil bilang isang hotelier/restaurateur ay hindi ko matanggap na may mga ganung klaseng tao na walang training sa customer service ang nagtatrabaho sa ganung klaseng restaurant. Hindi ako mag eexpect ng serbisyo kung nasa Burger King ako o McDo pero sad to say mas maganda pa ang serbisyo doon. HIndi ako mag-eexpect ng pagbati at pagngiti mula sa mga staff ng restaurant kung hindi 174 dirhams (almost Php 2000 na yan) ang binayaran namin para sa tatlong kape at isang tsaa.

Isa sa mga natutunan ko sa dati kong boss na kung sa hotel o restaurant ka nagtatrabaho, dapat ang turing mo sa lahat ng customer na papasok sa pinto mo ay isang naglalakad na Dollar Bill kaya dapat mo itong pagsilbihan dahil ang mga ito ang nagpapasweldo sa iyo.

Fortnum and Mason: Syempre yan na nga lang ang picture ng resto na nakuha namin ay may nakabalandra pang Rols Royce

Fortnum and Mason: Syempre yan na nga lang ang picture ng resto na nakuha namin ay may nakabalandra pang Rols Royce

Unang unang post ito sa bagong portion ng blog ko na The Misadventures of Aysabaw. Pano, lagi na lang akong tinatrato ng ganito. Hmp.

Edited: Dahil nagrequest si Kuya Keso ng more pics, piniga ko ang aking mga peeps para magproduce ng kung anong pics ang nakuha nila kagabi at ito ang nag-iisang kuha ng interior.

Fortnum and Mason interior

Huling araw ng unang buwan ng 2015


Ayokong magpost para lang makiuso dahil lahat nagpopost tungkol dito. Di naman porket di ako nagpost ay wala na akong pakelam kaya ilang beses kong binuksan at sinara ang Add New Post bago ko naisip na sige na nga.

Nakakalungkot ang sinapit ng Fallen 44 pero higit sa lungkot mas nakakapanggalit, nakakapagpalangitngit ng mga ngipin sa bagang.

Yung totoo? Hindi ako nagbasa ng kahit anong artikulo tungkol dito, hindi ko alam kung bakit sila sumugod doon (o baka ipinain doon), hindi ako nagbasa ng mga kahindik-hindik na sisihan at turuan at paghuhugas kamay at pag-eskapo at pagpapakaplastik ng, alam nyo na, dahil lalo lamang nakakapanginig ng laman.

Pinipilit ako ng isang kaibigan na basahin daw ang speech ni ganito at ni ganyan pero malumanay ko itong tinanggihan.

Wala na kong pakialam sa kung ano ang sinabi ng kung sino dahil bandang huli andaming nawalang buhay na hindi na maibabalik pa.

Isang kakatwang imahe na naman ang Pilipinas na ilang araw pa lang ang nakakaraan ay nagpapakabanal ng husto at matapos non kalunos lunos na patayan na.

Agad agad? Parang yung kakabreak nyo lang may kapalit na agad?

Yun lang. Hindi ko na alam kung anong sasabihin pa.

Sana walang nasayang. RIP.